Mga Dapat Basahin:

Mag-Search Dito

Custom Search

Friday, October 29, 2010

Kuskusip: Isang Ritwal

courtesy of adronico
Courtesy of Adronico
Isang araw, di ko makita ang  baril-barilan ko.  Yari 'yon sa sanga ng  akasya.  Inukit ni Amang para magkakorteng baril-barilan.   Sa amin, di uso ang totoong baril-barilan o anumang laruan.   Wala kaming pambili.

Naiinggit ako sa mga kalaro kong bata.  Ang gaganda ng kanilang mga baril-barilan.   Si Amang, marunong.  Ginawan n'ya ito ng paraan.  Gusto  rin n'yang magkaroon kami ng mga laruan.  Ang galing nya.  Ginawan talaga n'ya ako.  Malaki pa!

Lagi na iyong nakasukbit sa bewang ko mula nang ibigay ni Amang sa akin.  Pero ewan ko ba.  Noong araw na 'yon, di ko ito makita.

Dahil bata, di ako tumigil sa paghahanap dito.  Lahat na yata ng sulok ng kubo namin,  tiningnan ko na.  Pati sa ilalim nito, sinuong ko na rin.  Baka kasi nalaglag  lang at naipit sa mga tinabas na tabla.

Sa kakasuot ko sa ilalim ng kubo, may nakita akong  ahas.  Malaking ahas!

"Ahhh!"  Sigaw ko. 

Kinagabihan, inapoy na ako ng  lagnat. Di ito nawala hanggang kinabukasan.

Kinaumagahan, Inutusan ni Inang si Amang na sunduin ang albularyo sa kabilang baryo.

Namatanda daw ako sabi ng albularyo.  Kailangang mag-kuskusip para itaboy ang espiritu na naglalaro sa akin.   Noong araw, pag ang bata ay nagugulat, may ritwal na ginagawa. Kuskusip. Nagpakatay ang albularyo ng manok.  May inihandang nganga, apog, mga kakanin na may nakapatong na nilagang itlog. 

Kinahapunanan nang araw na iyon, habang nag-aagaw ang dilim at liwanag, nagpadasal sa amin.   May dumating na mga babae. Matatanda na.   Nakaitim.  Tapos may itim din na panyong balabal na nakapatong sa kanilang mga ulo. Di ko maintindhan ang sinasabi nila.  Parang Italian ang salita. Pagkatapos ng dasal  ay umikot ang albularyo at ang mga babae  sa buong kubo na may dala-dalang kandila.  Ang albularyo ay may hawak na  krus na may mahabang tangkay at doon nakasuot ang aking damit noong nakakita ako ang ahas, habang sumasambit ng dasal para sa ritwal.

Nagsunog din  ng buhok, bunot ng nyog, pakpak ng manok sa isang bowl at ang usok niyon ang pinalanghap sa akin.  Ang tawag yata doon ay suob.  Ang baho!  Ubo ako nang ubo noon at pinagpawisan ng todo!

Anyway, kinaumagahan, magaling na ako.

Para lang akong nagdahilan, sabi ng Inang ko.

Ang baril-barilan ko, di na nakita, pero si Amang, ginawan ako ng bago.


Yehey!

Thursday, October 28, 2010

Ang Kalabaw, Baw...


Pambansang hayop ito, men...... LOL!

Noong medyo lumalaki na ako at na-uutusan na ni Amang na magpastol nito.    Ipagkakatiwala nya sa akin ang  putikang kalabaw, matapos mag-araro sa bukid.  Wheww!  Katakot!  Hahaha!

Kukunin ko ang sako at ilalatag sa putikang  likod niya, sabay lundag na ako para sumakay.  Pag sinuwerte, abot ako.  Pero pag minalas malas, di ako maka-akyat at dumadausdos ako pababa, kasama ang sako.. Madalas akong di umaabot, hehe!

Dinadala ko ang kalabaw sa pinakamalapit na sapa (tanggal).  O di kaya, sa  malalim na parte ng bukid o burobor .   Noong araw na iyon, sa tanggal ko sya dinala.  Medyo malalim ang tanggal kasi kakatapos lang ng malakas na ulan.  Nang malapit na kami, nagmadaling lumusong ang kalabaw ko dito.  Di ko sya mapigilan at ang "hayop", marunong lumangoy.. Dinala ako sa malalim.  Saka humiga!!! Waahhhh!

Sabay ako sa paghiga nya. Pinilit kong ibalanse ang murang katawan ko para di ako malaglag, pero ayun, nahulog  pa rin ako sa tubig.  Naipit ang isa kong paa sa kanyang paghiga at nalublob sa ilalim ng maputik na sapa ang aking step-in.  Ayayay!!!  Umuwi akong iisa ang tsinelas, bagong paligo na rin, hahaha!

Isang di makakalimutang karanasan ng aking kabataan -- kapiling ng aming kalabaw.


Ikaw, Naranasan mo na ba ito?  Di ka taga probinsya pag di ka pa nakasakay ng kalabaw.

Wednesday, October 27, 2010

Sarap Mag-Swimming sa Sapa!

kalabaw sa ilogTanda ko pa noong maliit pa ako:  Isinasama ako ng Amang  ko sa bukid.  Sakay ng isang kalabaw,   pumipito s'ya at paminsan-minsa'y nag ha-hum ng isang awitin.  Sa aking murang isip, di ko alam kung nasa tono sya.  Lately ko na lang nalaman:  kapag daw ang isang tao ay marunong kumanta, nakakapag hum ito at nakakapito ng maayos.  Na-realize ko rin na sintunado ang Amang ko.  Di nga s'ya marunong kumanta.  Never ko s'yang narinig na kumanta.
Pagdating sa bukid, dali-dali akong maghuhubo'y hubad at saka tatakbo at lulundag sa isang maliit na sapa.  Malinis ito at di gaya ng ibang sapa na  amoy burak at kulay gray or  madumi ang  tubig dahil pinaliliguan ng mga kalabaw at pinagtatampisawan ng mga malilikot at maiingay na bibe at mga itik!  Kakaiba ang sapang ito  dahil galing sa bukal ang tubig nito na patuloy na umaagos at pumupuno sa sapa.. At kapag umaapaw na ang tubig sa pilapil, maikukumpara ito sa isang  infinity pool ngayon, dangan nga lamang at ang ilalim nito ay lupa pa rin, at siyempre walang chlorine na nagbibigay kulay dito.  Natural ang kulay nito na kung tititigan mo'y nangingislap sa replekyon ng araw.

Hayy, kay sarap magtampisaw!

Tuesday, October 26, 2010

Anihan

fields Panahon ngayon ng anihan.  Kay gandang pagmasdan ng kabukiran, lalo pa’t ito'y kulay ginto sa ilalim ng araw, nagbabadya ng isang masagana at magandang ani.  Sa ganito’y tuwang-tuwa ang mga magsasaka.. Nag-uunahan ang mga ito sa pagbabalita kung kailan ang araw ng pag-gapas o pag-aani para makapunta at makatulong ang  bawat isa.  Iiwan na muna ang mga libangan  na kadalasa’y nagiging dibersyon ng mga ito: ang bingo at ang tong-its—isang klase ng laro sa baraha.  Ito daw ay kombinasyong ng mga larong forty-one (41), lucky nine (9), at black jack.

Subali’t nangyayari, kung di man madalas, ang pagdaan ng bagyo sa amin.  At kadalasan, nasisira ang mga ito na nagreresulta sa pagkasira, di lang ng mga palay, kundi ng ibang pananim gaya ng mga gulay at iba’t ibang mga namumungang puno..  Kung sasamain, pati ang bahay kubo na aming tinitrihan, kasama sa mga matatangay o di kaya’y magigiba ng malakas na hangin.  

Ang bagyo.marunong tumayming. Nitong nakaraan linggo, isang super bagyo ang dumaan.  Walanghiyang Juan!  'Di man dumaan ang mata nito sa aming lugar, nagdulot pa rin ito ng pagbaha at pagkasira  ng aming mga pananim.  Matinding tinamaan nito ang parteng norte, gaya ng Isabela, Ifugao, Mountain Province, Ilocos Region at La Union.

Ang kawawang magsasaka.  Ginto na’y naging bato pa!

Monday, October 25, 2010

Ang Bukid, Baw (Bow)...

Simpleng buhay, simpleng pangangilangan... Asahan mo ito, kaibigan.

100820102897
Courtesy of Ramil Sumangil
Pasyalan natin ang bukirin. Sa una'y, mapapa-ahh!  ka sa ganda ng tanawin at nang  iyong pakiramdam.
Ngunit di lang pala 'yon.  Namnamin pa natin:

Kay lamig ng simoy ng hangin! Kay sarap langhapin nito! At ang palayan,..   Ang mga  gintong butil ng buhay.  Dito nanggagaling ang pagkain at kabuhayan  ng ating mga maliliit na kababayan.
Di ba't isang tunay na paraiso ito?
Ahh, di ko ipagpapalit ito!

Sunday, October 24, 2010

Simpleng Buhay…

Ewan ko lang kung may nakaka-alam pa kung paano mabuhay sa kabukiran.  Higit sa lahat, sa isang bahay kubo sa gitna nito…
082020101480
Courtesy of Ramil Sumangil
Ahh, kay sarap sariwain ang nakaraan.  Di nga ba’t noong una nama’y ganito ang mga bahay, lalo na sa probinsya?   Simpleng buhay lang, hindi ba?
Kwentuhan tayo, kabayan :)

Friday, October 22, 2010

Bahay Kubo

Copy of 100820102923
Courtesy of Ramil Sumangil


Bahay kubo, kahit munti
Ang halaman doon ay sari-sari.
Singkamas at talong,
Sigarilyas at mani,
Sitaw, bataw, patani,
Kundol, patola, upo't kalabasa
At saka meron pang
Labanos, mustasa,
Sibuyas, kamatis,
Bawang at luya
Sa paligid ligid
Ay maraming linga.
(Video courtesy of  hotaru1610)